Tuesday, December 30, 2008

Akalain

Akalain ninyo meron na akong tagasunod. Tsk tsk tsk Kaya lang isa ba itong gabay galing sa langit. Si Father Fiel po ang aking unang tagasunod sa blog na ito. Nais ko lamang magpasalamat sa iyo Father. Gusto ko lamang po ipaalam na meron po apat na blog si Father Fiel kaya lang pawang Ingles po ang mga nakasulat. Medyo mahirap lang po intindihin at baka magdugo po ang ilong ninyo. Hahaha Nagbibiro lang> Pakitingnan ninyo eto na po ang mga blogs nya...

Mabait naman po akong bata kaya hindi ko lang po matiis na maging hindi masyadong mabait gaya ng mga anghel at santo sa langit. Anong gusto mong blog ninyo ang susundin ko? Mag-iwan na lang po kayo ng mensahe.

Sunday, December 28, 2008

Huli Man

Huli man ang pagong huli pa rin... Ang gusto ko lang naman ay ang mabati kayong lahat ng... Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.

maligayang pasko regalo Pictures, Images and Photos

Nawa ay nabusog at nabundat kayo noong nakaraang Pasko. Sana ay hindi naman kayo naimpatso kagaya ng bagong patalastas ni Obama at Ate Glo. Hahaha

Nang dahil sa sobrang abala noong mga nakaraang araw ang dami ko nakaligtaan batiin. Bumati sa kanilang kaarawan, noong pasko, ay ewan ko ba! Ang dami kasi mga salo-salong dinaluhan at di na naman nakayanan ng lola nyo kaya eto lupaypay, bundat at di makahinga sa sikip ng pantalon. hahaha

Pasensya na kung Ingles ang bandera ko sa gawing itaas na bahagi ng aking blog.

Thursday, December 11, 2008

Uha

Ang uha ay iyak ng bata. Bakit hindi ba pwede sa ating mga matatanda? Isip bata nga lang. Ang pangit naman sabihin kung "ako'y nauuha" pag natuyo din naman ito muta pa rin. Ewan ko ba.

Paano kaya ko makakapag-imbita ng mga babasa ng blog ko na ito? Tsk ganun ba talaga kahirap magbasa ng tagalog na blog. Akala ko dati madali lang mag maniobra ng ganitong gawain. Hay kung alam nyo lang nakakatuyo din ng utak. Sa ngayon pangatlong blog ko na ito. Pero kakayanin ko ito dahil ginusto ko ito. hehehe Paano na lang kung sampu na ang blog ko. Malamang buhay pa ko nun, iyong isang kaibigan nga dyan sa ilalim ng mundo nakakasampu na eh. Walang iba yun kung di si dear Joy

Tuesday, November 25, 2008

Anak ng

Huh! Hindi ko akalaing nagbago ang tungkol sa akin (profile). Ano ba yan? Ako'y nagulat, natisod at lumaki ang mga mata ng makita ko na tagalog ang profile ko. Anak ng... talaga naman oh. Tsk babaguhin ko na naman 'yan. Nakakatuwa talaga ang katalinuhan ko oo. Sa mga nagtatanong kung bakit wala ko isinulat nung mga nakaraang araw sa
Show Me Your Interest
dahil abala ang lola nyo sa mga okasyon ngayong Nobyembre sa paghahanda ng kaarawan ng kanyang syuta. Hehehe

Magandang araw sa lahat ng makakabasa nito...

Monday, November 24, 2008

Ang Buhay

Ang buhay nga nman sa Pinas. Hindi malaman kung saan patungo. Noong isang linggo nag-text ako sa kaibigan ko. Hinahanap ko kung nasaan siya dahil may itinitinda siya na produkto eh di sumagot agad siya. Parang mas madali kung gagawin ko itong usapan. Pero ang pangalan niya ay sekreto. hehehe

Sam: Asan ka sis?
Sekreto: Nasa Navotas ako, bakit?
Sam: Eh kasi may pinsan ako sumali sa patimpalak (beauty contest po yan) binigyan ako ng isang buklet na popular na tiket (popularity ticket din yan pero hindi ko sinabi ang halaga ng tiket) bebentahan sana kita.
Sekreto: ganun ba, medyo abala ako ngayon alam mo naman magpapasko dapat doble kayod, medyo mahina benta kc benta ng asawa ko ngayon dahil sa isyu ng AIG, magbabayad pa ako sa pinagkaka-utangan ko na si **toooot nitong darating na Disyembre.
Sam: Sige okay lang kung hindi ka bibili.

Wala ko masabi doon, pati ako hindi nakahinga sa haba ng sagot niya sa akin. Alam nyo ba kung magkano ang tiket na yaon tumatagingting na P2.00 opo tama ang basa mo dalawang piso lang bawat isa. Hindi ko naman sinabi sa kanya ang presyo kasi baka sumama ang loob niya. Sana mabasa niya ito para matawa na lang siya. Hahaha

Saturday, November 22, 2008

Ang Talino ko Talaga

Hindi ko man lang naisip na may sariling layout ang blog na ito. Hay ang hirap maging matalino. Hindi alam kung ano ang uunahin. hehehe Kaya pag nabasa ninyo ang pangalawa kong isinulat ako ay pagpasensyahan ninyo.

Sa Aking Hinuha

Ang buong akala ko ako'y makakapag-tagalog lamang sa blog na ito. Pagkatapos ko isulat ang nauna kong isinulat sa sobrang sabik ko na makita ito. Ako'y namangha dahil ang aking blog ay hindi magiging purong salitang tagalog. Sapagkat ang nauna kong blog ay pawang Ingles... hahaha

Isang malaking panghihinayang, may alam ba kayo na pwedeng mabago iyan ng tagalog na hindi rin napapalitan ang aking naunang blog? Kailangan ko po ang payo ninyo.

Friday, November 21, 2008

Mabuhay

Isang malaking karangalan ang magkaroon ng tagalog na blog. Hindi ko alam kung kayo ay mapapatawa, mapapangiti o mapapasimangot ko. Hangga't maari iiwasan ko gumamit ng Ingles o mga salitang ginagamit sa inyong "selpun" (hahaha) Kung sakali man kayo ay natisod, natapilok, nadapa, o aksidenteng napindot ninyo itong blog na ito. Pagpasenyahan ninyo ang inyong abang lingkod at kakagawa pa lamang nito.

Gusto ko ipaalam sa inyo na tungkol ito sa isang bahagi ng utak ni Sam. Na hindi lamang siya seryoso at gusto lamang niya ipakita na siya din minsan ay hindi matino, may sayad o sadyang marunong din po siya magpatawa.